Mga bagong gusali, bubungad sa mga mag-aaral ng SDNTS sa pag-uumpisa ng taong panuruan 2024-2025

Posted at August 10, 2024 2:57 AM | Updated on August 14, 2024 3:09 AM

 ...

Sasalubungin ng mga bagong imprastraktura ang mga mag-aaral ng Sto. Domingo National Trade School sa nalalapit na pagbubukas ng taong panuruan 2024-2025. Kabi-kabilang gusali ang kasalukuyang itinatayo sa paaralan na inaasahang maghahatid ng maayos na serbisyo para sa mga mag-aaral.

Sinimulan na ang pagtatayo ng modernong SDNTS E-Library na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna nina Punong Lalawigan Kgg. Aurelio Umali, Pangalawang Punong Lalawigan Kgg. Anthony Umali, at dating kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Nueva Ecija Kgg. Cherry Umali. Sa pamamagitan ng proyektong ito, magkakaroon ng bukod at permanenteng gusali ang silid-aklatan ng paaralan na maglalaman ng mga bagong aklat at modernong kagamitan na makatutulong sa pag-aaral at pananaliksik ng mga mag-aaral.
Para naman sa pagsunod ng paaralan sa mga ordinansa ng lokal na pamahalaan ng Sto. Domingo ukol sa tamang pagsisinop ng mga basura (Municipal Ordinance No. 421-21), mas pinalaki pa nito ang Material Recovery Facility o MRF upang mas maging maayos ang segregasyon ng basura sa loob ng paaralan.
Ang pinagsamang silid-aralan ng 10-Calma at 10-Peralta naman ay nalalapit nang matapos upang magsilbing SDNTS Conference Room na pagdarausan ng mga mahahalagang gawain at pagpupulong ng pakulti at kawani ng paaralan, mga kawani mula sa iba't ibang tanggapan ng Kagawaran ng Edukasyon, at ng iba pang mahahalagang panauhin.
Kasalukuyan ding itinatayo ang ekstensyon ng SDNTS Gym na kaloob naman ng tanggapan ni Kgg. Mika Suansing, kinatawan ng Unang Distrito ng Nueva Ecija, sa pamamagitan ng Pamahalaang Bayan ng Sto. Domingo sa pangunguna ni Punong Bayan Kgg. Imee De Guzman, Pangalawang Punong Bayan Kgg. Jehlyn Domingo, at ng tagapangulo ng Komite para sa Edukasyon, Konsehal Kgg. Jun Bugaoan na aktibong bahagi rin ng Parents-Teachers Association (PTA) ng paaralan. Magbibigay lilim ang proyektong ito sa dulong bahagi ng quadrangle at magsisilbing proteksyon laban sa init at ulan para sa mga susunod na pagdiriwang at gawain na gaganapin dito.
Inaasahahang matatapos ang mga nasabing imprastraktura bago matapos ang unang kwarter ng bagong taong panuruan.
Samantala, nauna naman nang natapos at handa nang gamitin ang ilan sa mga bagong gusaling kabilang sa mga proyektong ito tulad ng Umali Building at SDNTS Chapel.
Ang Umali Building ay isang dalawang palapag na gusali na may apat na silid-aralan. Tulong ito mula pa rin sa pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na tumutugon sa problema ng paaralan ukol sa kakulangan ng mga silid-aralan. Ito ang magsisilbing bagong silid-aralan ng 10-Calma at 10-Peralta na matatagpuan sa unang palapag at laboratoryo o shop ng mga mag-aaral na may ispesyalisasyon sa Technical Drafting at Computer System Servicing (CSS) na matatagpuan naman sa ikalawang palapag.
Kasabay nito, isinaayos naman upang gawing SDNTS Chapel ang dating Glorietta. Ang bagong pook-dalanginang ito sa pangalan ng banal na si Sto. Tomas de Aquino, kilalang patron ng mga pamantasan at mag-aaral, ay naglalayong mapaunlad ang buhay ispiritwal ng mga mag-aaral na Romano Katoliko. Bahagi ito ng pagsisikap ng paaralan ukol sa values formation ng mga mag-aaral katulong ang Parroquia Santuario de San Jeronimo ng Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Parehong layunin din ang motibasyon sa pagpapatayo ng isang Interfaith Chapel para naman sa mga mag-aaral mula sa ibang sekta at relihiyon. Inaasahang mauumpisahan ang proyektong ito sa kalagitnaan ng bagong taong panuruan sa tulong ng mga partners at stakeholders ng paaralan.
Ang mga bagong imprastrakturang ito ay inaasahang maghahatid ng isang kalidad na edukasyon at magbibigay ng mga bagong karanasan sa mga mag-aaral ng SDNTS na makatutulong sa kanilang pag-unlad.
-----
Ulat ni Clarence Catacutan
Anyo at Disenyo ni Rosh Feliciano
Larawan ni Ella Angel Espinosa

- Posted by: The Gear x Ang Enggranahe